-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Pinasalamatan ni Acting Governor Emmylou “Lala” J. Taliño Mendoza ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at indibidwal na tumulong sa panahon ng krisis na kinaharap sa mga nakalipas na linggo.

Sa ginawang pagpupulong sa Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City pinapurihan ni Mendoza ang mga provincial line agencies kabilang na dito ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Integrated Provincial Health Office (IPHO), Cotabato Provincial Police Office (CPPO), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga responders na boluntaryong nagbigay ng tulong upang tugunan ang kani-kanilang tungkulin sa panahon ng kalamidad dulot ng sunod-sunod na lindol.

Ayon pa kay Mendoza na sa kabila ng kalamidad at pangagailangan ng kani-kanilang pamilya na apektado rin ng pagyanig, mas pinili pa rin ng mga nasabing ahensya at indibidwal na magsilbi at magbigay ng tulong sa mga mas nangangailangang residente na lubhang naapektuhan ng kalamidad noong buwan ng Oktubre.

Dagdag pa niya na nakakataba ng puso ang pagkakaisa ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan national man o lokal na nagsusumikap na matulungan ang Probinsya ng Cotabato sa krisis na kinakaharap nito.

Pinasalamatan din ni Acting Governor Mendoza ang lahat ng organisasyon at indibidwal na nagpaabot ng tulong sa mga nasalantang residente habang hinikayat niya ang mga Cotabateño na patuloy na manalangin para sa kaligtasan at maging alerto sa mga nararanasang aftershocks.