-- Advertisements --
image 1

Umapela ang grupo ng mga guro na Alliance of Concerned Teachers (ACT) na tanggalin ang buwis sa honoraria na matatanggap ng mga poll workers para sa kanilang serbisyo sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at bigyan sila ng kinakailangang kabayaran para sa kanilang overtime.

Sa isang press conference, sinabi ni ACT chairperson Vladimer Quetua na dapat bigyan ng P10,000 net honoraria ang mga gurong nagsilbi para sa katatapos na BSKE dahil hindi aniya sapat ang kanilang natatanggap na kompensasyon.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), ang chairman at electoral board members na nagsilbi sa BSKE ngayong taon ay tatanggap ng P10,000 at P9,000 na honoraria. Ito ay mas mataas kumpara sa dating P6,000 at P5,000 na ipinagkaloob sa kanila.

Gayunpaman, pinuna ng grupo ang 20% na buwis na makakaltas sa matatanggap na honoraria.

Bukod sa tax-exempt honoraria at overtime pay, umapela din ang ACT para sa mga poll worker na bigyan ng food at travel allowance para sa kanilang serbisyo sa nakalipas na BSKE.

Samantala ayon kay DepEd USec. Michael Poa, ang pondo para sa honoraria ay nadownload na sa DepEd at inaantay na lamang ng poll body ang reports mula sa mga guro para sa paglalabas ng naturang benepisyo at tinatrabaho na itong mailabas ng mas maaga sa itinakdang 15 araw sa ilalim ng umiiral na patakaran.