KALIBO, Aklan — Inanunsyo ng Department of Tourism (DoT-6) na umabot na sa 337 ang accredited establishments sa Isla ng Boracay.
Ito ay matapos ang patuloy na pagbuhos ng mga domestic tourists sa isla.
Pinaghahandaan na rin ng lokal na pamahalaan ng Malay at mga negosyante ang muling pagbabalik ng international chartered direct flights ngayong Hunyo 17 mula Korea.
Ang 337 establisimento na nabigyan ng accreditation ay kinabibilangan ng hotels, resorts at iba pang negosyo na nagbibigay ng accommodation services.
Nauna nang nagpaalala ang DOT-6 sa mga turista na sa mga accredited hotels at resorts lamang magcheck-in dahil ang mga ito lamang ang pasado sa health and safety protocols.
Nabatid na umabot sa record-high na 193,298 ang domestic tourist arrivals noong Mayo o halos 96% ng kabuuang 201,368 na nagbakasyon sa Boracay.
Mula Hunyo 1 hanggang 10 ng kasalukuyang taon, umabot na sa 66,215 ang bilang ng mga bisita o may daily average na 6,621 kun saan mas marami pa rin ang domestic tourists na nakapagtala ng 63,571.
Ang dayuhang bakasyunista noong Mayo ay umabot sa 4,268 at 1,524 naman ngayong Hunyo.
Karamihan dito ay nagmula sa United States, sinundan ng United Kingdom, Korea, Australia at Canada.