BUTUAN CITY – Manipis na lamang umano ang tiyansa ng higanteng TV network na ABS-CBN na maka-renew ng kanilang prangkisa sa free TV matapos ibasura ng House Committee on Legislative Franchises ang hiling na magbibigay sana sa kanila ng 25-taong prangkisa.
Matatandaang sa botong 70, 11, 2 ay inaprubahan ng mga miyembro at ex-officio members ng komite ang resolusyong hindi ito bibigyan ng prangkisa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate na bumutong ‘no’ sa resolusyon, na base sa kanilang house rules, maaari pang mag-file ng motion for reconsideration ang management ng TV network.
Pero, matatamaan pa rin umano sila sa kanilang house rules na ang makapag-file lamang nito ay ang mga 70 bumuto pabor sa pagbasura at hindi mula sa kanilang 11 bumuto ng no.
Sa kasalukuyang 18th Congress ay wala na umanong tsansa ang ABS-CBN na makapag-renew ng kanilang prangkisa para sa free airwaves o free TV sa kabila ng katotohanang makikita pa rin ng iilang mga shows at programs nito sa mga social media platforms.
Ang natitira na lang umanong opsyon ngayon ng Kapamilya network ay ang pag-file ng bagong franchise application sa susunod na kongreso at depende pa rin ang pag-apruba nito sa political situation ng bansa.