-- Advertisements --

Pinagbawalan ngayon ng Korte Suprema na i-practice pa ng isang abogado ang kanyang propesyon dahil tuluyan na itong dinisbar ng kataas-taasang hukuman.

Ito ay matapos paniwalain noon ni Atty. Jose Diño Jr ang kanyang kliyenteng Vantage Lighting Philippines Inc. na kaya nitong suhulan ang hukom na humahawak sa kanyang kaso.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Francis Jardeleza, guilty ng gross misconduct si Atty. Dino dahil sa kanyang ginawa.

Dinungisan din umano ni Atty. Diño ang imahe ng hudikatura dahil sa paghingi nito ng pera sa kanyang kliyente para pansuhol.

Nakasaad pa sa desisyon na nilabag ni Diño ang Canon 13 ng Code of Professional Responsibility kaya nararapat lamang na patawan ng pinakamabigat na hatol na disbarment dahil hindi sapat ang pag-suspindi rito ng tatlong taon lamang.

Una rito, noong September 5, 2006, sinabihan daw ni Atty. Diño ang vice presidente ng nasabing kumpanya na si Ma. Cecila Roque na kailangan nitong magbayad ng P150,000 para pansuhol sa hukom na hahawak sa kanilang kaso para masigurong mag-isyu ito ng Temporary Restraining Order (TRO).

Nakapagbigay ng paunang bayad ang Vantage kay si Diño na P20,000 sa paniwalang bahagi ito ng lehitimong legal na bayarin.

September 19, 2006, nag-isyu na agad ang korte ng TRO.

Mula noon ay nagkaroon na ng hindi pagkakaunawaan sina Atty. Diño at Roque nang sabihin ni Roque na ipagpapaalam muna niya ang hinihingi nitong balanse sa mas nakakataas sa kanya.

Dahil sa hindi pagkakaunawaan, umatras si Diño sa pagiging abogado ng Vantage hanggang sa naghain ito ng patong-patong na reklamong sibil at kriminal laban sa Vantage at mga opisyal nito.

Naghain naman ng disbarment case sa SC ang Vantage at ang iba pang mga inireklamo nito sa pahiwalang hina-harass na sila ni Atty. Diño.