Itinuturing na harassment ng isang abogado sa Iloilo City ang banta ng Panay Electric Company (PECO) na kakasuhan siya ng disbarment sa Korte Suprema kasunod ng pagbubunyag niya ng pagkakaroon ng offshore companies ng dating distribution utility.
Ayon kay Atty. Zafiro Lauron, malinaw sa bantang disbarment laban sa kanya na nais siyang patahimikin lamang sa isyu, iginiit ng abogado na hindi personal ang kanyang pag-atake sa PECO bagkus ay bahagi lamang ito ng kanyang civic duty bilang isang true-bloodied Ilonggo.
Aniya, hindi lamang ang iregularidad sa pamamalakad ng PECO ang kanyang naging laban sa Iloilo bagkus marami pang mga mahahalagang isyu ang kanyang isiniwalat at marami na ring sinampahan ng reklamo mula sa mga national at local officials kung saan ang huli ay ang nadiskubre nitong iregularidad sa Dam project sa lalawigan.
“Kung sasampahan nila ako ng disbarment, Be my guest.There’s no legal ground for that.This harassment from PECO means that they are pushing me to cow in fear. Masyado naman silang diktador. PECO should be open to criticisms, huwag sana silang onion skin,” pahayag ni Lauron.
Sinabi pa ni Lauron na hindi dapat patahimikin lagi ng PECO ang mga bumatikos sa kanila.
Aniya, bagamat private entity ang kumpanya ay involve naman ito sa public activity dahil nasa linya ng power generation kaya bilang isang consumer, isang Ilonggo at abogado ay may karapatan ito sa kanyang opinyon at may civic duty din ito na isapubliko kung may nalalaman itong iregularidad.
Kaugnay nito, pinasinungalingan din ni Lauron ang pahayag ng PECO na nag aabogado ito sa More Elctric and Power Corp (More Power) na siya nang bagong distribution utility sa Iloilo, giit ni Lauron wala siyang anumang legal engagement dito at wala syang kilala kahit na isa mula sa kumpanya.
“Alam ng mga taga Iloilo na isa ako sa mga lumalaban sa isyu sa aming lalawigan kaya malisyoso ang paratang ng PECO na ako ay nag aabogado para sa More Power,” dagdag ng abogado.
Nagbanta si Lauron na kung patuloy siyang pagbabantaan ng PECO at gagawa ng mga squid tactics ay bubuwelta din siya ng kaso laban dito.
Si Lauron ang unang nagbunyag ng pagkakaroon ng tatlong offshore companies ng PECO sa Bahamas na Costa Group Investments Ltd, Prime Rose Technology at Mega International Services na pawang nabuo noong taong 2000.
Nanindigan si Lauron na mas may basehan ang ipinalabas na report ng International Consortium of Investigative Journalists (ICU) na nagdedetalye ng mga binuksang offshore companies ng PECO sa Bahamas kung saan nakalista pa ang mga pangalan ng mga shareholder, company address at kung kailan naiset-up ang kumpanya.
Una na nitong hiningi ang tulong ng Anti Money Laundering Council (AMLC) na maimbestigahan ang nasabing offshore accounts.