Naglabas ng pahayag si Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kaugnay sa mga mungkahing magsampa ng Petition for Habeas Corpus para sa senador sa gitna ng usaping konstitusyonal na nakabinbin ngayon sa Korte Suprema.
Nagpasalamat si Atty. Torreon sa mga mamamayan, abogado, at iba pang nagpadala ng suporta, legal na opinyon, at obserbasyon hinggil sa kaso. Partikular din niyang kinilala ang mungkahi ni Atty. Salvador Panelo tungkol sa posibleng paghahain ng habeas corpus petition para kay Senador dela Rosa.
Ayon kay Torreon, nauunawaan niya na ang mungkahi ay ginawa nang may mabuting hangarin at tunay na malasakit sa kalayaan ng senador. Gayunman, matapos aniyang pag-aralan ang usapin, naniniwala siyang hindi pa ito ang tamang legal na remedyo sa kasalukuyan.
Ipinaliwanag ng abogado na una, magiging “premature” o maaga ang paghahain ng habeas corpus dahil hindi pa naman naaaresto si Senador dela Rosa. Aniya, kusang nagtungo ang senador sa Senado, inilagay sa protective custody sa ilalim ng Senate Resolution No. 44, at kalaunan ay malaya ring umalis doon.
Ikalawa, sinabi ni Torreon na wala umanong aktwal na restriksyon sa kalayaan ng senador, na isang mahalagang elemento upang maging balido ang habeas corpus petition.
Ikatlo, binigyang-diin niyang hindi malinaw kung sino ang maaaring ituring na “illegal custodian” o ilegal na may hawak sa senador. Aniya, hindi maaaring ituro ang Senado dahil mismong si dela Rosa umano ang humiling ng proteksyon doon.
Nagbabala rin si Torreon na maaaring makasama pa sa senador ang paghahain ng naturang petisyon. Kung pangalanan umano ang isang ahensya tulad ng NBI bilang “illegal custodian,” maaari itong magbigay ng legal na basehan upang obligahin ang mga awtoridad na iharap o arestuhin ang senador sa ilalim ng utos ng korte.
Sa ngayon, sinabi ng abogado na nakatuon pa rin ang kanilang legal team sa pagdulog sa Korte Suprema sa pamamagitan ng G.R. No. 278747. Dito umano dapat resolbahin ang mahahalagang usaping konstitusyonal kaugnay ng warrant requirement at ng usapin ng surrender sa ICC nang walang pahintulot mula sa korte ng Pilipinas.
Nilinaw din ni Torreon na wala siyang masamang loob laban kay Atty. Panelo at sa iba pang abogado na nagbibigay ng suhestyon. Gayunman, umaasa siyang ang mga sensitibong usapin hinggil sa legal strategy ay mas mainam na talakayin nang pribado at hindi sa publiko upang mapanatili ang integridad ng proseso.
Sa huli, muling nagpasalamat si Atty. Torreon sa patuloy na suporta at pagbabantay ng publiko sa mga usaping konstitusyonal na kinahaharap ng bansa.
At para sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanilang panig, sinabi niya: “Daghang salamat kaninyong tanan.”
















