Mahigit dalawang linggo bago ang 2019 Miss Universe, looking forward na si Binibining Pilipinas-Universe Gazini Ganados na makadaupang palad ang mga kandidatang makakatunggali nito.
Kabilang sa mga binanggit ng 23-year-old Palestinian-Filipina ay ang mga front runners na pambato ng Brazil, South Africa, Indonesia at Thailand.
Naging tapat naman si Gazini sa pagsasabi na “bet” nitong manalo ang Miss Thailand, sakaling hindi siya palarin.
Sa ngayon aniya ay maganda naman ang takbo ng kanyang Miss Universe training, bago pa man lumipad patungo sa Atlanta, Georgia, na siyang venue ng coronation ngayong taon.
Ang kanyang mga lolo at lola na kapwa nasa langit na aniya ang kanyang magiging “lucky charm” sa 68th edition ng Miss Universe na gaganapin sa darating na December 9 (Manila time).
Nabatid na laki sa lola ang Cebuana beauty na ipinanganak sa Zamboanga, dahil sa abroad nagtatrabaho ang kanyang ina habang hindi pa nito kailan man nakikilala ang dayuhang ama.
Samantala, tulad ng kasalukuyang Pinay Miss Universe titleholder na si Catriona Magnayon Gray, sinabi ni Ganados na magkakaroon din ng Filipino symbolism ang kanyang mga isusuot sa pageant pero magiging kakaiba ito.
Kung maaalala, hango sa Mayon Volcano ang inirampang evening gown ni Gray, gayundin ang pumatok na “lava walk,” habang Pampanga Christmas lanterns ang kanyang national costume.
“There will be symbolism but it will not be the usual. It will not be what Cat did. Kung putahe siya (If it were a dish), it’s a different flavor,” ani Ganados.
“Siguro, humba, lechon, because I’m from Talisay City. I’m going to be the lechon,” dagdag pa nito habang natatawa.
Una nang naiulat na ibibida nito sa December 9 big day ang “phoenix walk” na aniya’y parang lumilipad ang pakiramdam habang nasa Miss Universe stage.