-- Advertisements --
jeepney

Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na plano nitong taasan pa ang equity subsidy para sa tsuper ng mga public utility vehicles ng hanggang Php260,000.

Ito ay upang mabigyan sila ng pondo at pagkakataon na makabili ng mga e-jeepney para sa ipapatupad na PUV modernization program ng pamahalaan.

Paliwanag ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang gastusin ay itataas din ngayon ng Kagawaran ang ibinibigay nitong equity subsidy para sa mga PUV drivers.

Sa ngayon kasi ay nasa PHP160,000 ang halaga ng equity subsidy na ibinibigay ng DOTr para sa mga PUV drivers.

Habang tinatayang aabot sa Php1.4 million hanggang Php1.8 million ang halaga ng class 1 modern jeepney; nagkakahalaga naman sa Php2 million hanggang Php2.6 million ang class 2; habang nasa Php 2.5 million hanggang Php3 million naman ang halaga ng class 3 jeepneys.

Ang naturang dagdag equity subsidy program ng DOTr ay target maipatupad ng Transport department sa ikalawang bahagi ng taong 2023.