-- Advertisements --

Pinasisiguro ni Vice President Leni Robredo na madadagdagan ang pondong inilaan ng gobyerno sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

Sa ilalim kasi ng panukalang 2021 national budget, P2.5-billion ang alokasyon para sa procurement ng coronavirus vaccines. Pero hindi umano sapat para sa higit 100-milyong populasyon ng bansa, ayon sa pangalawang pangulo.

“Sang-ayon tayo na mahalaga ang bakuna—kaya nga hindi sapat na abangan lang ito.”

“Ayon sa DOH, sapat lamang ito para sa 3.8 milyong katao. Paano na lang iyong naiwang halos isang daang million?,” ani Robredo sa kanyang public address nitong Lunes.

Inirekomenda rin ng bise presidente ang maagang paglalatag ng plano para sa distribusyon ng bakuna. Ayon sa kanya, makabubuti na may mga paghahanda na habang hinihintay ang mapapatunayang ligtas at epektibong COVID-19 vaccine.

“Ngayon pa lang, kailangan nang tutukan at paghandaan ang mga pangangailangang pinansyal at iba pa para sa bakuna.”

“Hindi birong tungkulin ang agarang pagbabakuna sa milyon-milyong Pilipino—kailangan ng plano, imprastruktura, at mekanismo, na hangga’t maaari ay maibaba sa antas ng mga Barangay Health Unit. Siyempre, kailangan din nito ng pondo.”

Bukod sa plano para sa bakuna, naglatag din ng dagdag na rekomendasyon si VP Leni para sa responde ng pamahalaan sa epekto ng health crisis sa maliliit na negosyo, nawalan ng trabaho at lokal na pamahalaan.