Hinamon ng isang kongresista ang IATF at Department of Transportation (DOTr) na maglabas ng memorandum para sa pagbabalik pasada ng mga traditional jeepneys.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, ito ay kung talagang seryoso ang pamahalaan at hindi basta niloloko lamang ang mga tsuper at operators ng mga traditional jeeps sa pagbawi sa umiiral na ban.
Kasabay nito ay binatikos ni Gaite ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala pa ring katiyakan ang pagbawi sa ban sa mga traditional jeepneys.
Ito ay kahit pa sinabi kamakailan ni LTFRB chairman Martin Delgra na maari nang makapasada ulit ang mga tsuper ng traditional jeepneys sa Metro Manila simula sa susunod na linggo.
Sinabi ni Gaite na inilalagay lamang ng pamahalaan sa walang katiyakan ang hanapbuhay ng mga tsuper at operators ng traditional jeepneys sa magkasalungat na posisyon ng Malacañang at ng LTFRB.
Lumalabas aniya na mayroong mga opisyal ng pamahalaan na nagsasamantala sa pandemya para maisulong ang jeepney phaseout, at posible na nakatakdang kumita mula sa multi-billion ‘modernization’ deal.
Kung hindi man aniya ito totoo, kataka-taka lamang kung paano nasisikmura ng mga opisyal ng pamahalaan na maktiang namamalimos na lamang sa lansangan ang mga tsuper para lamang may maipakain sa kanilang mga pamilya.










