Ikinadismaya ni Senate Committee on Health Vice Chairman Senator Bong Go matapos mabunyag sa budget hearing ng Senado na muling binigyan ng “zero budget” o walang inilaang pondo ang national government para sa pagtatatag ng pasilidad ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) sa susunod na taon.
Ang VIP ang ahensyang inatasang magsagawa ng pananaliksik, humanap ng lunas, at maghanda sa bansa sakaling muling magkaroon ng banta ng pandemya.
Sa naturang pagdinig, inamin ng Department of Science and Technology (DOST) na maging noong 2025 at ngayong 2026 ay walang pondong inilaan para sa imprastraktura ng nasabing institusyon.
Dahil dito, mariing kinuwestiyon ni Senador Go kung hihintayin pa ba umano ang panibagong pandemya bago pondohan ang VIP Law, sabay giit na dapat ay nagsilbi nang aral sa pamahalaan ang naranasang krisis sa COVID-19.
Nananawagan ang senador sa ehekutibo na sa halip na masayang ang pondo ng bayan sa mga “ghost” at flood control projects, dapat nitong bigyang-prayoridad ang mga programang may direktang pakinabang sa kalusugan at kaligtasan ng taumbayan.














