Mariing kokontrahin ng Office of the Ombudsman ang anumang hakbang upang makapagpiyansa si dating House Speaker Martin Romualdez na nahaharap sa kasong plunder.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, may mga grupong nagpapakalat umano ng impormasyon upang ikondisyon ang publiko na asahan ang posibilidad na makalaya sa pamamagitan ng piyansa ang dating kongresista.
Sinabi ni Remulla na mahigpit na kokontrahin ng Ombudsman ang anumang mosyon o hakbang na magbibigay kay Romualdez ng pagkakataong makapagpiyansa.
Inakusahan din ni Remulla ang ilang grupo ng pagtatangkang pahinain ang paghawak ng Ombudsman sa kaso, kabilang ang paggamit umano sa mga blogger upang siraan ang mga hakbang ng ahensya.
Ibinunyag din ng Ombudsman na may isang indibidwal umanong nagpanggap na si Sandiganbayan Justice Karl Miranda upang makakuha ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Felicito Guevarra, na nagtatrabaho sa Samchan Foreign Exchange Corp. at nagsisilbing testigo sa plunder case laban kay Romualdez.














