Inilipat ng Senado ang mahigit P20 bilyon na pondo mula sa Medical Assistance Program (MAP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) upang madagdagan ang subsidy sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Senate Finance Committee Chair Sen. JV Ejercito, mula P73 bilyon ay umakyat sa P94.2 bilyon ang alokasyon para sa PhilHealth matapos ang realignment, nais umano niya itong pumalo sa 100 bilyon ngunit hindi na kakayanin dahil sa limitadong fiscal space para sa susunod na taon.
Sa ilalim ng pagbabago, P9.9 bilyon mula sa MAP ang ilalaan para direktang magbigay ng tulong pinansyal sa mga ospital at suportahan ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing.
Kabilang dito ang P7.6 bilyon para sa mga ospital ng Department of Health (DOH), P2 bilyon para sa mga legacy hospital at P1 bilyon para sa mga ospital ng local government units.
Matatandaan na nauna nang iminungkahi ni Sen. Ping Lacson sa unang araw ng budget deliberations ang pansamantalang pagtanggal sa ilang mga ayuda programs at direktang ilaan ito sa Universal Health Care program ng pamahalaan.
Isa rin sa mga sinita ni Lacson ang doble-dobleng probisyon ng mga multipurpose building sa pambasang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Ejercito, agad naman na tatanggalin ng Senate Finance Committee ang mga makikitang line item na may red flag. Ngunit hindi umano “humanly possible” na masuri isa-isa ang mga probisyong ito kung kaya’t nanawagan ang senador ng tulong sa mga watchdog at publiko ng aktibong pagbabantay sa 2027 budget upang malinis ito.
Kasunod niyan, binigyang-diin ni Ejercito na mahalagang maramdaman ng bawat Pilipino ang benepisyo ng Universal Health Care upang hindi na pangunahing problema ng mga pamilya ang paghahanap ng pambayad sa ospital kapag may nagkasakit.
Umaabot naman sa P378.6 bilyon ang kabuuang alokasyong pondo para sa DOH at mga attached agencies at corporations nito sa bersyon ng Senado ng panukalang 2027 budget.














