-- Advertisements --

Tinalakay nina Senator Robin Padilla at Senator Risa Hontiveros ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga senior citizen na walang tahanan at nananatili sa mga lansangan.

Ipinahayag ni Padilla ang kanyang pagkabahala sa dumaraming nakikitang matatanda sa mga lansangan at tinanong kung anong tulong ang ibinibigay ng pamahalaan sa kanila.

Ayon kay Hontiveros, may apat na dedicated shelter ang DSWD sa ilalim ng Pag-abot Program na nagsisilbing pansamantalang tahanan ng mga homeless senior citizen. Matatagpuan ang mga ito sa National Capital Region, Region 4-A, Region 9, at Region 11.

Ipinaliwanag din niya na bagama’t pangunahing tungkulin ng mga lokal na pamahalaan ang pagtugon sa mga ganitong sitwasyon, inaako na rin ng DSWD ang responsibilidad na tulungan at iligtas ang mga senior citizen na nasa lansangan.

Batay sa datos ng ahensya 687 residente ang kasalukuyang nanunuluyan sa apat na pasilidad at nasa full capacity na ang mga ito. Bagama’t maayos pa ang kondisyon ng mga shelter, kinakailangan na rin umano ng ilan ang pagkukumpuni at renovation.

Dahil dito, humihingi ang DSWD ng karagdagang pondo para sa pagpapabuti ng mga pasilidad. Kabilang din sa mga planong hakbang ng ahensya ang paglipat ng ilang residente sa mga pribadong care facility kapag lumampas na sa kapasidad ang mga shelter, kung saan sasagutin ng pamahalaan ang kaukulang gastusin.