-- Advertisements --

Hinihiling ng Department of Agriculture (DA) ang mas matibay na kooperasyon sa United Nations Food and Agriculture Organization (FAO) upang unahin ang crop protection, soil testing, at disease surveillance para maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka.

Sa pulong nitong Nobyembre 23 kasama si FAO Deputy Director-General Beth Bechdol sa sidelines ng APSAM 2026 sa Parañaque City, isinulong ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang “modern practical agriculture” na nakatuon sa maaasahang irigasyon, soil testing, at pagpigil sa sakit ng halaman at hayop.

Tinalakay ng magkabilang panig ang pagpapalawak ng tulong teknikal mula sa kasalukuyang laban kontra banana Fusarium wilt TR4 tungo sa sibuyas, niyog, mangga, mais, at tubo, gayundin ang mas koordinadong pagtugon sa mga sakit ng hayop at regional plant at animal health cooperation.

Iniulat ni Tiu Laurel na may 16 nang soil laboratories ang DA at planong palawakin ito sa bawat probinsya upang matukoy ang kailangang sustansya ng lupa, mabawasan ang gastos sa abono, at mapataas ang ani.

Iniugnay naman ni Bechdol ito sa soil mapping at “soil intelligence” ng FAO, at nanawagang gawing praktikal na gabay para sa mga magsasaka ang mga datos, palakasin ang kababaihan at kabataan sa agrikultura, at isakatuparan ang mga commitment.