Kinumpirma ng Department of Justice ang rekomendasyon na masampahan ng patung-patong na mga kaso ang suspendidong abogado na si Jesus Falcis.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ito’y bunsod nang makakita ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction ang Malabon City Prosecutor laban kay Falcis.
Kaya’t inirekumendang makasuhan ang ‘political commentator’ ng isang bilang ng ‘cyber libel’, at tatlong bilang naman ng ‘unjust vexation’.
Nag-ugat ang kaso buhat nang ireklamo siya ni Navotas Rep. Toby Tiangco dahil sa serye ng mga mapanirang posts ni Falcis mula noong nakaraan taon.
Giit kasi ng mambabatas, hindi lamang political commentary ang ginawa nito kundi inilarawan bilang sistematikong paninira na sa kanyang pagkatao.
Unang inihain ang mga reklamo sa City Prosecutor ng Navotas ngunit inilipat sa Malabon matapos humiling ang suspendidong abogado para matiyak ang patas na imbestigasyon.















