-- Advertisements --

Binatikos ni Senator Alan Peter Cayetano si Transportation Secretary Vince Dizon dahil umano sa kawalan ng progreso ng mga infrastructure project noong unang anim na buwan nito sa Department of Public Works and Highways o DPWH.

Sa plenary deliberations sa panukalang 2027 national budget, binigyan ni Cayetano ng bagong kahulugan ang DPWH Maintenance Management Manual bilang “Magturo, Mag-media at Magmura,” na tumutukoy umano sa ginagawa ni Dizon tuwing nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga proyekto.

Kinuwestiyon din ng senador ang paliwanag na nakaapekto sa bidding ang pagtaas ng presyo ng construction materials dahil sa krisis sa Middle East. Giit niya, hindi lamang bigong bidding ang problema kundi ang umano’y kabiguang simulan ang mga kinakailangang proseso.

Kapansin-pansin ang matinding puna dahil matagal nang magkakilala sina Cayetano at Dizon.

Nagsilbi si Dizon bilang consultant ng senador mula 2013 hanggang 2016 at nagkaroon din sila ng ugnayan sa paghahanda para sa 2019 Southeast Asian Games.

Noong Hulyo, binanggit pa ni Cayetano ang mga katiyakan ni Dizon na walang ghost projects sa Taguig, kasunod ng mga alegasyong inilutang ni Senator Panfilo Lacson.