-- Advertisements --

Patuloy na kinikilala ang Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag bilang isa sa mga pinakadinadayong simbahan sa Pilipinas, kung saan milyun-milyong deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging sa abroad ang pumupunta.

Mula Enero hanggang Oktubre 2026, umabot sa 8,567,018 ang naitalang bisita sa dambana sa Pangasinan, na nagpapatunay sa mahalagang papel nito sa faith tourism sa Northern Luzon.

Kilala sa tawag na Apo Baket ng mga tagarito, ang makasaysayang imahen ng Birhen ng Manaoag ay nagsimula pa noong early 17th century at naging sentro na ng pananampalataya ng maraming henerasyon ng mga Pilipinong Katoliko.

Kinoronahan ang imahen noong Abril 21, 1926, at nang maglaon ay idineklarang Minor Basilica ang simbahan noong 2014. Kinilala rin itong National Cultural Treasure noong Disyembre 2015 dahil sa malaki nitong ambag sa kasaysayan at kultura.

Bukod sa kahalagahan nito sa pananampalataya, malaki rin ang tulong ng tuluy-tuloy na pagdating ng mga bisita sa ekonomiya ng Manaoag. Nagbibigay ito ng kabuhayan at dagdag na kita para sa maliliit na negosyo, mga tindero, tsuper, at iba pang negosyong may kinalaman sa turismo sa buong bayan.