-- Advertisements --

Ibinasura ng Korte Suprema ang pinagsama-samang petisyon para sa habeas corpus na kumukuwestiyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos ideklara ng hukuman na moot o wala nang saysay ang mga ito.

Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, hindi na maaaring ipatupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus dahil nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, the Netherlands ang dating pangulo.

Siyam na mahistrado ng Supreme Court En Banc ang bumoto pabor sa pagbasura sa mga petisyong inihain nina Sebastian, Veronica, at Paolo Duterte para sa kanilang ama, apat ang tumutol, habang naka-official business naman si Associate Justice Samuel H. Gaerlan.

Matatandaang inaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 pagdating niya sa Pilipinas mula sa Hong Kong matay sa warrant of arrest ng ICC para sa kasong crimes against humanity sa ilalim ng Rome Statute.

Sa parehong araw, naghain si Duterte ng petition for certiorari and prohibition sa Korte Suprema upang pigilan ang mga opisyal ng pamahalaan na makipagtulungan sa ICC bago siya isinakay sa eroplano patungong The Hague kinagabihan.

Kinabukasan ay naghain ng magkakahiwalay na petisyon para sa habeas corpus ang kanyang mga anak kung saan iginiit nilang hindi maaaring ipatupad ang warrant ng ICC dahil kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute at nilabag umano ng pag-aresto ang Konstitusyon, mga batas ng bansa, at pandaigdigang batas.

Sa panig naman ng Office of the Solicitor General (OSG), ikinatwiran nitong naging moot na ang mga petisyon dahil hindi maaaring ipatupad sa labas ng bansa ang writ of habeas corpus at iginiit na tumalima ang pag-aresto sa mga internasyonal na obligasyon ng Pilipinas.