Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang mas abot-kaya at sustainable na paggamit ng mga makinaryang pang-agrikultura upang mapataas ang produktibidad ng mga magsasaka.
Ginagawa ang hakbang na ito sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, epekto ng pagbabago ng klima, at kakulangan sa ani.
Layunin ng kagawaran na gawing moderno ang pagsasaka nang hindi nagiging dagdag na pasanin sa gastusin ng maliliit na magsasaka.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., hindi dapat natatapos sa pagbili ng mga traktora at harvester ang mekanisasyon sa sakahan.
Binigyang-diin ng kalihim na balewala ang mga makinaryang ito kung walang abot-kayang financing, sapat na spare parts, sinanay na operator, at maaasahang after-sales service.














