Magsisimula sa November 30, 2026 ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra droga sa Pilipinas.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity, partikular ang murder at attempted murder, na umano’y naganap mula Nov. 1, 2011 hanggang March 16, 2019.
Saklaw ng mga kasong ito ang mga umano’y pagpatay noong alkalde pa siya ng Davao City, ang mga insidenteng kinasangkutan ng mga tinaguriang high-value targets noong panahon ng kanyang pagkapangulo, at mga operasyon ng barangay clearance.
Sa pagbubukas ng paglilitis, inaasahang maghahain ng pambungad na pahayag ang prosekusyon at mga legal representative ng mga biktima. Maaari ring magbigay ng opening statement ang kampo ni Duterte bago magsimula ang pagtestigo ng mga saksi.
Ayon sa ICC, inaasahang maghahain ang prosekusyon ng testimonya ng humigit-kumulang 100 saksi sa kabuuan ng paglilitis.
Matatandaang noong April 23, 2026, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang tatlong bilang ng kasong isinampa laban kay Duterte at iniakyat ang kaso sa Trial Chamber para sa paglilitis.
Sa paglilitis, susuriin ng mga hukom ang mga ebidensiyang ihaharap ng mahkabilang panig bago maglabas ng desisyon kung mapatutunayan ang mga kasong kinakaharap ng dating pangulo.













