Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang 17 dayuhan sa isang operasyon laban sa umano’y parcel scam hub sa Pasay City noong Nobyembre 20.
Kabilang sa mga naaresto ang siyam na Japanese, dalawang Taiwanese, apat na Chinese at dalawang Indian nationals. Dalawa sa mga ito ay kinilalang Japanese fugitives na sina Yuto Takahashi, at Matsumoto Shohei, sa tulong ng Japan National Police Agency.
Modus ng sindikato ang pagpapanggap bilang courier personnel na nagsasabing may ilegal na laman ang isang parcel na inuugnay sa biktima. Pagkatapos, ililipat ang tawag sa mga pekeng pulis na mananakot ng pag-aresto o pag-freeze ng kanilang mga ari-arian at hihikayating maglipat ng pera sa umano’y “safe” o “verification account.”
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, paiigtingin ng ahensya ang operasyon laban sa mga dayuhang kriminal na gumagamit sa Pilipinas bilang base ng mga transnational scam.
Kasalukuyang nakapiit ang mga naarestong dayuhan sa BI Warden Facility sa Taguig City habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at kaukulang immigration proceedings.













