Ipinagmalaki na iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga konkretong resulta ng kanyang pagdalo sa 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China. Kabilang sa kanyang mga isinusulong ang malayang kalakalan, ligtas na supply chain, at mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
Hinimok din ng Pangulo ang mga bansang kasapi ng APEC na kilalanin ang edukasyon at propesyonal na kwalipikasyon ng mga Pilipino upang mas mapadali ang kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagsuporta sa maliliit at katamtamang negosyo o MSMEs, paglikha ng trabaho, at pagbubukas ng bagong merkado para sa mga produktong at serbisyong Pilipino.
Isa sa mahahalagang resulta ng kanyang pagbisita ang kasunduan sa kalakalan ng Pilipinas at Chile.
Nakakuha rin ang bansa ng P41.1 bilyong investment pledges mula sa mga kumpanyang Tsino na posibleng lumikha ng mahigit 7,000 trabaho para sa mga Pilipino.
Ayon kay Marcos, makatutulong ang mga kasunduang ito upang dumami ang pamumuhunan, lumakas ang lokal na industriya, lumawak ang kalakalan, at magkaroon ng mas maraming de-kalidad na trabaho para sa mga Pilipino.














