Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na walang posibilidad na tuluyang kanselahin ang 2028 National Elections dahil labag ito sa Saligang Batas.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, hindi maaaring pigilan ang pagsasagawa ng halalan dahil lamang sa kagustuhan ng sinumang opisyal o institusyon ng pamahalaan.
Paliwanag pa ng poll chief, ang maaari lamang mangyari ay ang pagpapaliban ng halalan sa mga pagkakataong may karahasan, terorismo, pagkasira o pagkawala ng mga election paraphernalia at iba pang katulad na sitwasyon.
Binigyang-diin din na walang ordinaryong batas na maipapasa ang Kongreso na maaaring manaig sa probisyon ng 1987 Constitution na nagtatakda ng iskedyul ng pambansang halalan.
Kasunod ito ng pahayag ng kampo ni VP Sara Duterte tungkol sa umano’y mga usap-usapan sa Kamara hinggil sa posibleng no-election scenario sa 2028, sa pamamagitan ng pagpapalawig ng termino ng mga opisyal o pagbabago sa sistema ng pamahalaan.
Itinanggi rin ni Garcia na may lumapit sa COMELEC mula sa Malacañang upang magbigay ng direktiba kaugnay sa posibleng no-el scenario.















