Pormal nang nanungkulan si Commissioner Charlito Martin Mendoza bilang pinuno ng Bureau of Customs (BOC) ngayong Nobyembre 19, 2026, matapos ang isang taong paninilbihan bilang Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang ceremonial turnover mula kay outgoing BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na itinalaga naman bilang bagong President at CEO ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Sa kaniyang inaugural address, nangako si Mendoza, na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nanumpa noong Nobyembre 13—na ipagpapatuloy at palalakasin ang mga reporma sa ahensya tulad ng pagbawas sa red tape, pagpapalalim ng digitalization, pag-aalis sa mga tiwaling kawani, at pagpapabilis sa cargo clearance para sa parehong commercial shipments at balikbayan boxes ng mga overseas Filipinos.
Bilang paghahanda sa P1.074-trillion revenue collection target ng BOC sa 2027, nanawagan ang opisyal ng mas mahigpit na koordinasyon sa mga District Collectors upang suriin ang kanilang koleksyon at matugunan ang anumang suliranin sa operasyon.
Nagbigay rin si Mendoza ng direktiba na higpitan ang pagbabantay at pagpapatupad ng batas laban sa lahat ng uri ng smuggling, lalo na ang iligal na pagpasok ng mga produktong agrikultural sa bansa.
Matatandaang nagsilbi rin si Mendoza bilang Undersecretary for the Revenue Operations Group ng Department of Finance (DOF) at District Collector ng Port of Cebu mula 2019 hanggang 2022, kung saan nalampasan nito ang 2020 revenue target sa kabila ng pandemya at naging unang BOC collection district na nakakuha ng ISO 9001:2015 certification.
Sa ilalim naman ng kaniyang pamumuno sa BIR mula Nobyembre 2025 hanggang Nobyembre 2026, ipinatupad ng abogado at licensed geodetic engineer ang BIR DARES reform agenda, digital transformation, at pinaigting na kampanya laban sa tax evasion.














