-- Advertisements --

Apat na testigo ang nakatakdang iprisinta ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng kaniyang impeachment trial sa Senado sa Nobyembre 19 at 20.

Kabilang sa mga ito si Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting PH, na inaasahang magbibigay-linaw sa mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act o AMLC.

Kasama rin sa listahan si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino S. Rodolfo, na tatalakay sa pagpaparehistro ng Cale88 Foods Corporation sa Board of Investments.

Ipapaliwanag naman ni Food and Drug Administration (FDA) official Pilar Marilyn M. Pagayunan ang pagpaparehistro ng sweetened banana chips ng naturang kumpanya, kabilang ang mga dokumentong isinumite para rito.

Pang-apat si Rowena G. Mendoza o isang awtorisadong kinatawan ng Center for International Expositions and Missions (CITEM), na inaasahang maghahain ng mga komunikasyon at imbitasyong ipinadala ng ahensiya sa Cale88 kaugnay ng mga food exposition.

Sa kahilingan ng Depensa, mahalaga ang mga testimonya at dokumentong ito upang sagutin ang mga alegasyon laban sa bise presidente sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint, partikular ang mga usapin sa kaniyang SALN, umano’y hindi maipaliwanag na yaman at interes sa negosyo.

Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., naipadala electronically ang mga subpoena sa apat na testigo.

Matatandaang una nang binawi ng Depensa ang pangalan ng 16 na opisyal ng mga bangko na dati nitong inilagay sa listahan ng mga testigo.

Nauna namang sinabi ni defense counsel Atty. Michael Poa na plano nilang magharap ng walo hanggang sampung testigo sa paglilitis.