Mahigit 1,200 overseas Filipino workers (OFWs) na ang matagumpay na naiuwi sa Pilipinas sa gitna ng patuloy na pagkaantala at pagbabago sa mga biyahe mula Riyadh, Saudi Arabia, bunsod ng tensyon sa rehiyon.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac, na hidi pa normal ang operasyon ng mga flight mula Riyadh patungong Maynila.
Iniulat ni Cacdac na dahil sa mga kanselasyon at pagbabago sa flight schedules, may mga pasaherong nakatakdang bumiyahe mula Riyadh na kinailangang ilipat ang kanilang pag-alis sa ibang paliparan, upang maituloy ang kanilang pag-uwi.
Batay sa pinakahuling ulat ng DMW, umabot na sa 1,267 ang mga OFW kabilang ang 25 dependents na nairepatriate mula nang magsimula ang mga flight disruption noong October 10, 2026.
Patuloy rin ang pagbibigay ng financial assistance, medical, food and shelter, transport, at repatriation assistance sa mga apektadong OFW, kasabay ng koordinasyon ng DMW sa mga airlines at airport authorities ng Migrant Workers Offices (MWOs), at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa tulong ng embahada at Konsulado at mga kinauukulang ahensya sa Saudi Arabia upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Sa kabuoan, umabot na sa 6,295 ang nabigyan ng tulong pinansyal, humigit kumulang 70% dito ay mga apektadong airport personnel, samantalang 8,800 na tulong at serbisyo na ang naipahatid sa ating mga OFWs sa Saudi Arabia.
Tiniyak ni Secretary Cacdac na patuloy na minomonitor ng DMW at ng OWWA ang sitwasyon at ginagawa ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matulungan ang mga OFW na nahihirapang makakuha ng panibagong flight at matiyak ang kanilang ligtas na pagbabalik sa bansa.















