-- Advertisements --

Dalawang magkahiwalay na mass shootings ang naitala sa South Africa nitong Linggo, Nobyembre 15, na ikinasawi ng 17 katao.

Unang naitala ang pamamaril sa loob ng isang minibus sa probinsya ng KwaZulu-Natal kung saan walo ang nasawi.

Ayon sa lokal na awtoridad, nakatanggap ang mga ito anila ng umano’y ulat ng pamamaril sa naturang lugar. Nang puntahan ito ng kapulisan, dito na tumambad ang puting seven-seater na sasakyang tadtad ng mga bala kung saan lulan nito sa loob ang walong lalaking may tama ng bala at wala nang buhay.

Makalipas ang ilang oras, naitala naman ang isa pang mass shooting sa isang barung-barong sa western Pretoria na ikinasawi naman ng siyam.

Natagpuan ang mga bangkay ng anim na lalaki at tatlong babae sa isang informal settlement sa Atterigdeville. Ayon pa sa miyembro ng nasabing komunidad, inakala nilang kulog at kidlat lamang ang mga narinig nitong putok ng baril noong gabing iyon.

Batay naman sa South African police, bagama’t walang kaugnayan ang dalawang naitalang insidente ng pamamaril, patuloy pa rin nitong iniimbestigahan ang mga naturang insidente ng krimen upang matukoy ang motibo sa likod ng mga ito.

Naglunsad na rin anila ng manhunt ang kapulisan para matunton ang mga suspek ng mga pamamaril.

Samantala, hindi na bago ang mga naiuulat na insidente ng gun violence sa bansa kung saan nitong Setyembre lamang huling naitala ang mass shootings.