Arestado ang isang lalaki na kinilalang alyas “Sadam” matapos ang isang pamamaril na ikinasawi ng isang 27-anyos na construction worker sa Calbayog City, Samar, noong Nobyembre 10, 2026.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), naganap ang pamamaril dakong alas-8:30 ng umaga sa kahabaan ng national highway, habang nagtatrabaho ang biktima sa isang construction site.
Batay sa paunang imbestigasyon, tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo matapos ang insidente. Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Calbayog City Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-10:20 ng umaga sa Barangay Amangpacang, Tinambacan District. Narekober din mula sa operasyon ang isang baril na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril.
Noong Nobyembre 11, nagsampa ng kasong murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor sa Calbayog City.














