-- Advertisements --

Tiniyak ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na ipagpapatuloy nito ang mga programa at hakbangin para mapalaganap at mapagyaman ang wikang Filipino, kasabay ng pagdiriwang ng ika-90 taong anibersaryo ngayong Nobyembre 13, 2026.

Ayon sa tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Atty. Marites Barrios-Taran, kabilang sa mga prayoridad ng Komisyon ang pagpapatuloy ng limang adhikain nito sa wika, kabilang ang pagtatatag ng mas maraming sentro ng wika at kultura sa iba’t ibang panig ng bansa.

Patuloy din aniyang palalakasin ng Komisyon ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at pambansang ahensiya upang mas magamit ang wikang Filipino sa iba’t ibang antas ng komunikasyon.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat katakutan ang mga hamon na dala ng makabagong teknolohiya. Sa halip, dapat itong gamitin bilang kasangkapan upang higit pang mapaunlad at mapalawak ang paggamit ng wikang Filipino.

Samantala, tiniyak din ni Education Secretary Sonny Angara ang suporta ng Kagawaran ng Edukasyon sa pagpapalaganap hindi lamang ng wikang Filipino kundi maging ng mga lokal at rehiyonal na wika.

Ayon kay Angara, dumarami rin ang mga aklat na isinasalin sa iba’t ibang wika sa pamamagitan ng mga programa ng pamahalaan sa pagpapalathala ng libro, katuwang umano ang National Book Development Board at iba pang ahensiya ng Department of Education.

Bahagi rin umano ito ng pagsisikap ng kagawaran na mahikayat ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, na mas pahalagahan ang pagbabasa at sariling wika.