-- Advertisements --

Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na maaaring arestuhin o sampahan ng kaukulang kaso ang mga raliyistang magsasagawa ng demonstrasyon sa labas ng mga itinalagang freedom parks kaugnay ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Saklaw ng babala ang panahon ng ASEAN Summit na nakatakdang ganapin mula Nobyembre 15 hanggang 17.

Matatandaang ilang progresibong grupo na ang nagpahayag ng planong magsagawa ng mga kilos-protesta bago, habang, at pagkatapos ng naturang summit na dadaluhan ng mga delegado at lider mula sa iba’t ibang bansa, kabilang si United States President Donald Trump.

Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brig. Gen. Christopher Abrahano, inatasan niya ang mga police commander na mahigpit na ipatupad ang mga security measures sa paligid ng pangunahing venue ng summit sa Pasay City.

Pinalalakas din ang seguridad sa mga hotel na tutuluyan ng mga delegado at sa mga pangunahing rutang dadaanan ng mga ito.

Samantala, nilinaw ng NCRPO na kinikilala nito ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon, ngunit kailangang sumunod ang mga raliyista sa mga umiiral na batas at regulasyon, kabilang ang mga probisyon ng Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985.

Tiniyak naman ng pulisya ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mga organizer upang maisagawa ang mga kilos-protesta sa mga lugar na pinahihintulutan ng batas.