Nagsagawa ng libreng legal assistance program ang Office of the Vice President (OVP) para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Metro Bacolod District Jail sa Barangay Handumanan, Bacolod City kahapon bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-91 anibersaryo ng tanggapan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OVP Western Visayas Satellite Manager Dr. Chris Sorongon, sinabi nitong katuparan ang aktibidad sa pangakong binitiwan ni Vice President Sara Duterte nang personal siyang bumisita sa naturang piitan dalawang taon na ang nakalilipas.
Nakapaloob sa programa ang libreng legal consultations, tulong sa pagproseso ng mga dokumento, pagpapaliwanag ng mga karapatang legal, at referrals sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO)-Bacolod, BJMP, UNO-R College of Law, at mga boluntaryong abogado, bukod pa sa blood pressure at blood sugar check-up mula sa mga nurse at libreng eye check-up at reading glasses mula sa mga optical clinic.
Samantala, nauna nang bumisita si Vice President Duterte sa Sara Central Elementary School sa Iloilo City kahapon ng umaga kaugnay ng pagdiriwang ng Book Month, kung saan namahagi siya ng mga school bag at school supplies at nakibahagi sa tree-planting activity bago nagtungo sa Bacolod City.
Inaasahan ding bibisita ang Bise Presidente sa ilang paaralan sa Bacolod ngayong araw para sa mga aktibidad ng mga mag-aaral, habang tiniyak ni Sorongon ang patuloy na pagsusulong ng OVP sa mga programang naglalapit ng serbisyo sa bawat Pilipino.














