-- Advertisements --

Hinamon ni Senator-judge Robin Padilla ang prosekusyon na siyasatin din ang pamumuhay ng mga mambabatas sa Kamara, partikular ang mga umano’y nagmamay-ari ng mga mamahaling sasakyang nagkakahalaga ng P16 milyon hanggang P22 milyon.

Ginawa ni Padilla ang pahayag matapos talakayin ng prosekusyon ang pagbili ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ng mga sapatos na nagkakahalaga ng P256,882 sa Malaysia.

Naging bahagi ito ng pagtatanong sa usapin ng simpleng pamumuhay na inaasahan sa mga opisyal ng pamahalaan, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyon.

Sa gitna ng palitan, kinuwestiyon ni Padilla kung bakit nakatuon ang pansin sa naturang pagbili ng sapatos gayong mayroon din umanong mga mambabatas na gumagamit ng mga sasakyang nagkakahalaga ng milyon-milyong piso.

Ibinahagi rin ng senador na gumastos siya kamakailan ng humigit-kumulang P900,000, kabilang ang tulong na ipinagkaloob niya sa mga biktima ng pamamaril sa Tacloban at South Cotabato.

“Gusto n’yo po, imbestigahan n’yo kung saan ko dinala,” hamon ni Padilla sa prosekusyon.

Giit ng senador, dapat ding maging patas ang pagsusuri sa pamumuhay at paggastos ng mga opisyal ng pamahalaan, anuman ang kanilang posisyon.