Inilikas ng mga awtoridad ang daang-daang paaralan sa Italy nitong Miyerkules, Nobyembre 11, matapos itong bulabugin ng bomb threats.
Tinatayang 312 na eskwelahan ang agarang in-evacuate ng awtoridad nang makatanggap ito ng mga mensahe ng naturang banta, saad ng Education Ministry ng Italy na si Giuseppe Valditara.
Ayon sa imbestigasyon, ipinadala ang mga bomb threat sa pamamagitan ng serye ng email na umano’y galing sa lider ng isang grupo na may “anti-woman” na pangalan at naglalaman ng iba pang mga mararahas na banta.
Bagama’t kabilang sa nakatanggap ng bomb threat ang Prime Minister ng Italy na si Giorgia Meloni, pinabulaanan naman nito ang mga banta dahil wala naman aniyang indikasyon ng katunayan sa likod ng mga ito.
Dagdag pa niya, layon lang ng mga banta na bulabugin ang kapayapaan at magdulot ng pangamba sa publiko.
Naitala din ang serye ng mga bomb threat sa ilang paaralan sa Ireland, Scotland, at Northern Ireland ngunit wala namang naitalang evacuation na naganap.
Kaugnay nito, binulabog rin ng serye ng bomb threats ang ilang mga paliparan at newsrooms nitong nakaraang linggo na nagdulot ng malawakang pagkaantala ng mga operasyon nito.














