-- Advertisements --

Maghahain pa ng mga testigo ang defense team ni Vice President Sara Duterte upang sagutin ang mga katanungang hindi natugunan sa mga naunang testimonya, partikular sa mga usapin kaugnay ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, kabilang sa mga nais nilang linawin ang pagkakaiba ng mga impormasyong nakasaad sa SALN ni Duterte at ng mga dokumentong nakatala sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Kasunod ito ng pagtatanong ni Senate President at presiding officer Francis Escudero kay defense witness Atty. Suzette Balucanag-Punay tungkol sa umano’y investment ni Duterte sa isang fast-food branch.

Inamin ni Balucanag-Punay na hindi niya alam kung bakit tumatanggap ng bayad ang bise presidente mula sa naturang negosyo.

Ipinaliwanag ni Poa na may limitasyon ang kaalaman ng bawat testigo kaya may iba pa silang ihaharap upang magbigay ng karagdagang impormasyon.

Samantala, hindi na umano ihaharap ang karamihan sa mga bank representative bilang testigo, maliban sa kinatawan ng isa pang bangko.

Hindi pa rin inilalantad ng depensa ang pagkakakilanlan ng iba pa nilang mga saksi.