Nasamsam ang 15.036 kilo ng pinaghihinalaang ilegal na droga na may tinatayang halaga na ₱89,161,800 sa isang warehouse sa Pasay City nitong Nobyembre 6, Biyernes.
Sa isinagawang operasyon ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), narekober ang umano’y ilegal na droga sa 12 abandonadong parcel na nanggaling sa Thailand, India, US, at Netherlands.
Dito natuklasang nakatago sa damit, balot ng pagkain at tsaa, lalagyang kahoy, metal pulley, handbag, at maging sa deep fryer ang 11.241 kilo ng pinaghihinalaang methampethamine hydrochloride o shabu na aabot sa halagang ₱76,438,800, 1.563 kilo ng umano’y marijuana kush na may halagang ₱1,563,000, at 2.232 kilo ng umano’y ketamine na may halagang ₱11,160,000.
Kasama ng mga ilegal na droga ang ilan pang mga kagamitan tulad ng damit, laruan, piyesa ng sasakyan, at mga regalo.
Samantala, iginiit naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng masusing pagsusuri ng mga kagamitan dahil sa aniya’y naturang modus ng pagtatago ng mga ilegal na droga sa mga naturang karaniwang kagamitan.
Nai-turn over na rin ang mga narekober na ebidensiya ng ahensiya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Laboratory Service para sa kaukulang pagsusuri at pagkukumpirma sa umano’y ilegal na droga na nasamsam nito.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang pag-aralan ang mga ihahaing kaso laban sa mga mananagot sa nasabing krimen.













