Nanawagan ang Department of Energy sa publiko na magtipid sa kuryente ngayong tag-init sa gitna ng mataas na konsumo. Ayon sa ahensya, malaki ang maitutulong ng simpleng pagsusuri sa mga saksakan upang makabawas sa buwanang gastusin.
Paliwanag ni Dir. Patrick T. Aquino ng DOE-Energy Utilization Management Bureau (EUMB), madalas ay hindi natin napapansin ang tinatawag na “phantom load” o “vampire power.”
Ibig sabihin, bagamat hindi ginagamit o naka-off ang isang appliance, patuloy pa rin itong kumokonsumo ng kuryente basta’t nakasaksak at naka-standby mode.
Base sa pagtataya ng ahensya, aabot sa halos sandaang piso o higit pa ang posibleng masayang sa isang tipikal na kabahayan bawat buwan dahil lamang sa mga nakasaksak na kagamitang hindi naman ginagamit.
Bilang solusyon, pinayuhan ni Aquino ang mga mamamayan na maglibot sa kanilang mga bahay at isa-isang suriin ang mga saksakan. Aniya, ugaliing tanggalin sa saksakan o i-unplug ang mga appliances kung hindi naman ito kailangang nakabukas.
Iminungkahi rin niya ang paggamit ng mga power strip o extension cord na may indibidwal na switch. Sa simpleng pag-off nito pagkatapos gamitin, epektibong mapapatay ang daloy ng kuryente sa mga nakakabit na aparato.
Binigyang-diin ng DOE na malaki ang maitutulong ng mga simpleng hakbang na ito. Bukod sa pagpapababa ng sariling bayarin sa kuryente, nakatutulong din ito para mapanatili ang sapat na suplay ng kuryente sa buong bansa ngayong panahon ng mataas na konsumo.
















