Sinita ni Senator-Judge Erwin Tulfo si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin at pinaalalahanan sa posibleng kahihinatnan ng pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa matapos maging hindi malinaw ang kaniyang mga sagot tungkol sa umano’y biyahe sa China noong Nobyembre 2025.
Nang usisain ni private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr. kung kabilang si Adalin sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Davao na nakasama sa isang all-expenses-paid trip sa China na inisponsor umano ng Chinese Consulate, sinabi ng assessor na hindi nauugnay sa pagdinig ang tanong at hindi na umano nito maalala.
Iginiit naman ni Tolosa na bahagi ng kaniyang karapatan sa cross-examination ang magtanong nang masusi upang masuri ang kredibilidad ng saksi.
Dahil dito, pinaalalahanan siya ni Tulfo na seryosohin ang kaniyang testimonya dahil nasa ilalim siya ng panunumpa bilang saksi at maaari siyang managot kung magsisinungaling.
“Ginagawa ninyong kengkoy ang inyong testimonya,” ani Tulfo.
Matatandaang si Adalin ang iniharap ng kampo ng depensa bilang unang saksi sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Kabilang sa mga naging tanong sa kaniya ang kaniyang pagkakatalaga bilang Davao City Assessor noong 2017, sa panahon na alkalde ng lungsod si Duterte.












