-- Advertisements --

Inihayag ni Atty. Victor Nuñez, direktor ng Manila Traffic Enforcement Group, na walang ipatutupad na pangkalahatang road closures sa kabila ng pagdating ng mahigit 20 heads of state para sa pagtitipon ng mga lider sa bansa mula Nobyembre 15 hanggang 18.

Ayon kay Nuñez, ang pangunahing sinisiguro ng pamahalaan ay ang responsibilidad bilang host at ang mahigpit na seguridad ng mga delegado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Nilinaw ng opisyal na sa halip na road closures, magpapatupad lamang sila ng mga security exclusion zones sa mga kalsada na nasa loob ng perimeter ng Philippine International Convention Center (PICC), kung saan magiging istrikto ang pagpapatupad ng seguridad.

Dagdag pa rito, mula Nobyembre 9 hanggang 18, tanging ang mga sasakyan ng mga delegado at opisyal ng pamahalaan ang papayagang makapasok sa naturang zone kung mayroon silang kaukulang ASEAN sticker.

Para sa mga motorista, pinayuhan ng pamunuan ang publiko na gumamit ng mga alternatibong ruta para maiwasan ang posibleng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Para sa northbound, dadaan mula Seaside Boulevard, kakanan sa Macapagal Boulevard, kakanan sa EDSA, at kakaliwa sa Roxas Boulevard. Ang southbound naman ay mula sa Roxas Boulevard, kakanan sa EDSA patungong Diokno o Macapagal.

Humingi rin ng mahabang pag-unawa at pasensya ang pamunuan sa publiko, at iginiit na likas na mapagkawang-gawa at magiliw ang mga Pilipino sa mga bisita. Nanawagan sila na sana ay maintindihan na ang pag-host ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit ay isang malaking pribilehiyo at bihira lamang mangyari para sa bansa.