-- Advertisements --
Arestado ang 19 na indibidwal matapos salakayin ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang hinihinalang international online sabong hub sa Barangay Poblacion, Pandi, Bulacan noong Nobyembre 5, 2026.
Nadiskubre sa pasilidad ang dalawang studio na may livestreaming equipment na pinaniniwalaang ginagamit sa pagpapalabas ng mga laban ng manok at pagtanggap ng online na pustahan.
Narekober din ng mga awtoridad ang apat na panabong na manok, posibleng may kaugnayan umano ang operasyon sa mga online bettor mula sa Mexico, Vietnam at Cambodia.
Nakahanda na ang kaukulang kaso laban sa 19 na naaresto. Isinasama rin sa imbestigasyon ang umano’y may-ari at supervisor ng pasilidad na wala sa lugar nang isagawa ang operasyon.














