Kinumpirma ni US President Donald Trump na isinagawa ng militar ng Estados Unidos ang mga tinawag niyang minor strike laban sa air defense system ng Iran sa Qeshm Island na matatagpuan sa Strait of Hormuz.
Inihayag naman ng estado ng media sa Iran ang pag-atake sa Suza area kasabay ng pahayag ng kanilang hukbo na matagumpay nilang nabagsak ang isang American MQ-9 drone sa nasabing isla.
Kaugnay nito, inilarawan ng US Central Command (CENTCOM) na nananatiling maayos ang sitwasyon ngunit tumangging maglabas ng karagdagang detalye hinggil sa insidente.
Sa pamamagitan ng isang post sa X, nag-alok din ang CENTCOM ng reward na hanggang $20 million at posibleng relokasyon para sa makapagbibigay ng impormasyon ukol sa nuclear program at mga siyentipiko ng Iran.
Sa kabila ng mga pag-atake, iginiit ni Trump na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kaniyang administrasyon sa mga kinatawan ng Tehran at may malaking pag-unlad na sa mga negosasyon.
Pinalagan naman ng pamahalaan ng Qatar ang mga ulat na nabigo na ang pag-uusap ng dalawang bansa at nagbabalang nakakasira ito sa kapayapaan sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Qatari Prime Minister Sheikh Mohammed bin Abdulrahman Al Thani na patuloy ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa Washington at Tehran upang maiwasan ang tuluyang paglala ng krisis.
Samantala, nananatili namang nakahanda ang libo-libong tropa at mga barkong pandigma ng Estados Unidos sa Middle East sakaling mag-atas ang pangulo ng mas malaking operasyong militar.














