Aabot sa 200 kilos ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P1.36 bilyon ang nakumpiska ng mga otoridad sa Manila port.
Natuklasan ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang iligal na droga sa isang shipment mula sa Vietnam.
Base naman sa nakuhang impormasyon mula sa Vietnam Anti-Narcotics Police Department na ang nasabing mga iligal na droga ay mula sa bansang Laos.
Sinabi naman ni PDEA assistant secretary Renato Gumban na ang nasabing cargo ay dumaan sa Haiphong, Vietnam bago ito ipinadala sa Hong Kong kung saan ang container ay nailipat sa ibang barko patungo sa Pilipinas.
Agad na inalarma ng drug enforcement group ng Vietnam ang mga otoridad sa bansa matapos na umalis ang barko mula sa Haiphong.
Dahil dito ay agad na nakipag-ugnayan ang PDEA sa Customs Intelligence and Investigation Service para masabat ang iligal na droga.
Ayon naman kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang mga iligal na droga na nakapakete ay nakatago sa 50 mga karton.
Tiniyak naman nito na patuloy ang kanilang ginagawang pagbabantay para hindi makapasok ang iligal na droga sa bansa.
Mula pa aniya noong 2025 ay nakapagsagawa na sila ng nasa 520 na operations laban sa iligal na droga.















