-- Advertisements --

Maaari nang idulog sa bagong hotline ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga reklamo at katanungan ng mga manggagawa at employer kaugnay ng mga usaping paggawa.

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, inilunsad ng kagawaran ang Hotline 15/30 o “Fifteen Thirty” na bukas 24 oras kada araw at pitong araw kada linggo.

Naglaan ang DOLE ng 20 agents na sasagot sa mga tawag upang mas mabilis na matugunan ang mga concern ng publiko.

Kabilang sa maaaring ireport ang hindi pagbabayad o pagkaantala ng sahod at benepisyo, iligal na pagtanggal sa trabaho, at iba pang paglabag sa labor standards.

Maaari ring idulog ang mga reklamo kaugnay ng kaligtasan at kalusugan sa pinagtatrabahuhan, kabilang ang mga panganib na dulot ng matinding init.

Tumatanggap din ang hotline ng mga katanungan tungkol sa paghahanap ng trabaho at iba pang programa ng kagawaran.

Tiniyak naman ni Tolentino na mairerefer sa loob lamang ng isang araw ang mga natatanggap na concern sa kaukulang regional o field office ng DOLE upang agad na masuri at maaksyunan.

Kasabay nito, nagbabala ang kalihim laban sa paggamit ng hotline sa mga prank call upang hindi masayang ang oras at mapagkaitan ng agarang tulong ang mga manggagawang may lehitimong reklamo.