Inaayos na ng Philippine National Police (PNP) ang kaso laban sa animal crematory company sa Cavite matapos na ireklamo na hindi ginagawa ang trabaho at sa halip at itinatapon lamang ang mga aso at pusa ng kanilang mga kliyente.
Ayon kay PCol.Allen Rae Co, hepe ng Public Information Office ng PNP, na tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon kung saan mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga biktima.
Lahat aniya ng mga anggulo ay kanilang tinitignan kung saan marapat aniya na mapanagot ang kumpanyang inirereklamo.
Hinikayat din nito ang mga biktima na lumapit sa mga otoridad kung mayroon silang mga reklamo laban sa mga crematory companies.
Magugunitang umabot na sa mahigit 50 na mga biktima ang nagreklamo matapos na matuklasan na ang kanilang mga pina-cremate na alaga ay basta na lamang itinapon sa bakanteng lote sa Bulacan.















