-- Advertisements --

Iimbestigahan na ng National Bureau of Investigation ang ‘pet crematorium’ sa Bacoor City, Cavite nasasangkot sa nadiskubreng umano’y pag-abandona ng 29-labi ng mga hayop sa Bulacan.

Ipinag-utos na ni NBI Director Atty. Melvin Matibag sa ilang dibisyon ng kawanihan, sa pangunguna ng Environmental Crimes Division ang pagsasagawa ng komprehensibong imbestigasyon.

Ayon sa direktor, magiging pokus ng imbestigasyon ang pagkalap ng mga dokumento para sa posibleng reklamong estafa, pangalawa’y beripikasyon ng business permits, equipments, CCTV footage at ‘operational capacity’ habang panghuli’y ang pagtalima nito sa mga inspeksyon.

Maliban dito’y makikipag-ugnayan aniya ang kawanihan sa Department of Interior and Local Government, Department of Environment and Natural Resources, Philippine National Police at mga lokal na pamahalaan.

Dagdag pa niya’y magsasagawa umano ang NBI ng ‘forensic examination’ kung kinakailangan upang madetermina kung tugma ba ang labi ng mga hayop na ipinagkatiwala sa naturang crematorium.

Titingnan din ang mga ‘ashes’ o abong ibinalik sa mga ‘pet owners’ para alamin sakaling kaya pang matukoy kung tunay.

Iginiit ng direktor, isa ding ‘pet lover’, hindi aniya katanggap-tanggap ang panlolokong ginawa sa mga pet owners na tila tinapon parang basura ang mga hayop.

Itinuring niya ang kaso, hindi bilang ‘failure to service’ lamang kundi isang ‘grave betrayal of public trust’.

Ang alkalde naman ng Bacoor City na si Mayor Strike Revilla ay ibinahaging hindi na umano nakikipagtulungan sa imbestigasyon ang may-ari ng pet crematorium.

Hihintayin na lamang daw nito ang mga kasong isasampa laban sa kanya.

Gayunpaman, naipasara na’t ipinatigil ang operasyon ng naturang crematorium habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa layon matukoy ang pananagutan ng mga sangkot at responsable sa kaso.

Kaya’t makaseseguro aniya na papanagutin ang mga responsable at titiyakin na hindi na mauulit pa ang nangyari.