-- Advertisements --

Paiigtingin ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng maritime safety rules upang maiwasan ang pag-ulit ng trahedyang kinasangkutan ng MV June Aster sa Palawan na ikinasawi ng 77 katao.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, kailangan ng mas mahigpit na inspeksyon sa pagiging ligtas sa paglalayag ng mga barko at sa pagsunod ng mga ito sa itinakdang kapasidad ng mga pasahero.

Tiniyak ni Dizon na tatalakayin niya kasama ang mga opisyal ng DOTr at mga attached agency nito ang mga hakbang upang mas mahigpit na maipatupad ang mga regulasyon at mapanagot ang mga shipping company na lalabag sa mga panuntunan sa kaligtasan.

Binigyang-diin ng kalihim na buhay ng mga pasahero ang nakataya kaya hindi dapat magkompromiso sa kaligtasan ng mga barkong bumibiyahe sa bansa.

May ilang shipping company ang hindi na nagpapasakay sa mga electronic vehicle dahil sa trahedya ng MV June Aster ngunit ayon kay Dizon pag-uusapan pa nila ang mga polisiya para rito.