-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang kahalagahan ng paggalang sa pandaigdigang batas at ang pagpapatibay ng kooperasyong panseguridad sa ginanap na 13th ADMM-Plus sa Lapu-Lapu City, Cebu, ngayong Oktubre 29, 2026.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga kinatawan mula sa ASEAN at sa mga dialogue partners nito, inihayag ng kalihim ang tatlong pangunahing prayoridad upang maisulong ang kapayapaan, katatagan, at seguridad sa rehiyon ng Indo-Pacific.

Kabilang sa mga prayoridad na ito ang mahigpit na pagtalima sa United Nations Charter at 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), pagpapalakas ng maritime security cooperation, at ang pagprotekta sa mga migrant workers at seafarers sa gitna ng mga pandaigdigang krisis.

Ginamit din ng kalihim ang pagkakataon upang ipanawagan ang pagkakaisa ng mga bansa sa pagtiyak ng food security at energy security laban sa mga banta at hamon sa global supply chain.

Binigyang-diin ni Teodoro ang krusyal na papel ng international community sa pagprotekta sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga marino na may malaking kontribusyon sa pandaigdigang ekonomiya, lalo na sa panahon ng mga armadong tunggalian at mga emergency sa iba’t ibang bansa.

Isinagawa ang naturang pagpupulong sa Cebu bilang bahagi ng patuloy na pagho-host ng Pilipinas sa mga serye ng mataas na antas ng pag-uusap ng ASEAN ngayong taon.

Nagsilbing venue ang lalawigan para sa pagtitipon ng mga defense ministers at security leaders mula sa sampung bansa ng rehiyon at kanilang mga pangunahing dialogue partners tulad ng United States, China, at Japan.

Layunin ng mga pagpupulong na ito na patatagin ang diplomasya at talakayin ang mga maiinit na isyung geopolitikal tulad ng seguridad sa West Philippine Sea at ang kapayapaan sa buong Indo-Pacific.