Inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Mapa at Atlas ng mga Wika ng Pilipinas sa National Museum of Natural History sa Maynila, upang higit na mailapit sa publiko ang impormasyon tungkol sa mga wika at kulturang ginagamit at pinangangalagaan ng iba’t ibang pamayanan sa bansa.
Naglalaman ang atlas ng datos tungkol sa tinatayang 135 katutubong wika sa Pilipinas, kabilang ang kanilang lokasyon, bilang ng mga gumagamit, kalagayan, at sistema ng pagsulat.
Ayon sa tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Atty. Marites Barrios-Taran, mahalaga ang proyekto hindi lamang sa pagtatala ng mga wika kundi sa pagpapakita na patuloy na ginagamit at pinangangalagaan ang mga ito sa kabila ng mga hamon ng makabagong teknolohiya at impluwensiya ng mga wikang banyaga.
Sa pamamagitan ng atlas, maaaring matukoy ang mga lugar kung saan ginagamit ang isang wika at makita ang impormasyong makatutulong sa pananaliksik at pagbuo ng mga programang pangwika.
Patuloy rin ang pangangalap at pagpapatibay ng Komisyon sa datos mula sa mga komunidad upang maisapanahon ang impormasyon tungkol sa mga wikang ginagamit sa bansa.








