-- Advertisements --

Paiigtingin ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpigil sa mga paglabag sa maritime safety rules, partikular sa pagbiyahe ng mga barkong hindi ligtas sa paglalayag at pagsasakay ng sobrang daming pasahero.

Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, makikipagpulong siya sa Philippine Ports Authority (PPA), Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) upang talakayin ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan sa kaligtasan ng mga barko.

Binigyang-diin ni Dizon na kailangang matiyak ang seaworthiness ng bawat barko bago payagang bumiyahe, gayundin ang pagsunod sa itinakdang kapasidad ng mga sasakyang pandagat.

Giit ng kalihim, hindi na dapat maulit ang mga insidenteng naglalagay sa panganib sa buhay ng mga pasahero. Dapat ding mapanagot ang mga operator at iba pang mapatutunayang lumabag sa mga regulasyon.

Samantala, sinilip din ni Dizon ngayong araw, Oktubre 29, ang mga pasilidad sa Manila North Port bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas.

Kasama niya sa inspeksyon si PPA General Manager Jay Santiago upang tiyakin ang kahandaan ng pantalan, partikular para sa mga pasaherong bibiyahe patungong Visayas at Mindanao.

Bagama’t napansin ni Dizon ang mga pagpapabuti sa passenger terminal, ipinag-utos niyang higit na unahin ang kapakanan at kaginhawaan ng mga biyahero.

Kabilang dito ang pagpapahintulot sa mga senior citizen na maagang dumarating sa pantalan na makapasok na sa naka-air condition na waiting area habang hinihintay ang kanilang biyahe.